Nasa tatlumpung bahagdan pa lamang ang nare-restore ng Isabela Electric Cooperative o ISELCO 1 sa mga nasirang transmission lines sa kanilang nasasakupan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Teodorico Dumlao Jr. Technical Services Department Head ng ISELCO 1 sinabi niya na nasa 144 barangay nalang ang kanilang hindi pa napapailawan mula sa kabuuang bilang 484 barangay.
Ang bayan ng San Guillermo aniya ang hindi pa nila narerestore ang kuryente bagamat nandoon na ang kanilang linemen upang mag-ayos sa mga nasirang transmission lines.
Aniya tatlong team na ang nag-iikot at sumali na rin ang isa nilang contractor upang mapabilis ang restorasyon.
Sa bayan naman ng Alicia ay nasa siyam na barangay na ang naibalik ang tustos ng kuryente, walo sa Angadanan at maging ang Cabatuan at Luna ay maaring nadagdagan na rin ang mga barangay na napailawan kagabi dahil tuluy-tuloy ang kanilang pagkumpuni.
Tiniyak ni Engr. Dumlao na hindi tumitigil ang kanilang linemen at maintenance crew sa pagkumpuni sa mga nasirang linya at humingi naman siya ng pasensya sa mga mamamayan dahil sa lawak ng pinsala sa kanilang transmission lines.
Aniya bagamat hindi kalakasan ang hanging dala ng bagyong Nika ay kinailangan nilang putulin muna ang tustos ng kuryente sa mga service dropwires habang isinagasawa ang maintenance upang makaiwas sa aksidente ang mga magkukumpuning linemen.