--Ads--

CAUAYAN CITY – Tiniyak ng pamunuan ng Isabele Electric Cooperative o ISELCO 1 ang tulong na ipapaabot sa pamilya ng nakuryente sa Barangay Aurora, Alicia, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Jeyssa Keith F. Barlizo, Data Protection Officer and Consultant on Special Issues of ISELCO 1, sinabi niya na una na silang  nakipag-ugnayan sa pamilya ng nasawing biktima kung saan may hiniling na halaga ng tulong pinansiyal ang pamilya subalit kailangan pa itong pagpulungan ng board of directors sa araw ng Lunes.

Sisikapin anya ng ISELCO 1 na maipalabas ng maaga ang kailangang tulong para sa naulilang  pamilya ng biktima.

Una nang napaulat sa Bombo Radyo Cauayan na nasawi si Mike Pastor Gandela matapos masagasaan ng kanyang bisikleta ang naputol na linya ng kuryente sa barangay Aurora, Alicia, Isabela.

--Ads--

Bago nito, habang kasagsagan ng ulan ay nakitang nag-iispark ang linya ng kuryente hanggang tuluyan na itong naputol. Dati na rin umano itong nag-iispark tuwing umuulan kayat naipaulat na rin umano ito sa ISELCO 1.

Sinubukan namang pahintuin ang biktima subalit nasagasaan na nito ang naputol na live wire.

Ayon naman kay Barlizo, wala anya silang naitalang ulat kaugnay sa pag-iispark ng linya ng kuryente sa nasabing lugar.