CAUAYAN CITY – Muling nagbabala ang pamunuan ng Isabela Electric Cooperative o ISELCO 2 kaugnay sa isinasagawang massive disconnection sa mga delingkwenteng member consumer na sakop ng kanilang prangkisa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni General Mngr. Dave Solomon Siquian ng ISELCO 2 na nauna nang sinampahan ng kaso ang isang hotel sa ikalawang distrito ng Isabela at nakatakda itong iakyat sa hukuman matapos magpalabas ng resolusyon ang Provincial Prosecutor Office ng Isabela.
Ito ay matapos makakitaan na may probable cause na nagnakaw ng kuryente ang may-ari ng naturang hotel sa pamamagitan ng pagkakabit ng mga ilegal na connection.
Ayon pa kay Gen. Mngr. Siquian, pare-pareho umano ang kanilang gagawing pagputol ng kuryente sa mga delingkwenteng consumer, ito man ay mga kilalang tao o ordinaryo maging sa mga LGU’s.
Kailangan umano nilang gawin ito upang maging patas sa mga nagbabayad sa tamang panahon at hindi madedehado sa mga delingkwenteng consumer.