Tuloy-tuloy ang isinasagawang power restoration ng Isabela Electric Cooperative I (ISELCO I) sa kanilang mga service areas, partikular sa Cauayan City at sa mga bayan ng Jones, Angadanan, at San Guillermo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay GM Glenmark Aquino ng ISELCO I, sinabi niyang wala namang nasirang mga poste, at ang pangunahing naging problema lamang ay ang mga lateral lines at service drop wires na nabagsakan ng mga natumbang punongkahoy.
Sa dami ng naapektuhang service droppings at lateral lines, patuloy pa rin aniya ang kanilang restoration efforts.
Kagabi, na-energize na ang labindalawang barangay sa bayan ng Jones, Isabela, habang sinisikap na makakuha ng clearance para tuluyang mapailawan ang tatlong natitirang barangay.
Sa Cauayan City, nagpapatuloy din ang restoration sa nalalabing barangay sa West Tabacal Region, partikular sa Duminit, Gagabutan, at Baringin Norte at Sur, gayundin ang mga barangay sa Angadanan na hindi pa naibabalik ang kuryente.
Sa bayan naman ng San Guillermo, limang barangay pa ang sinisikap na ma-energize.
Paliwanag ni GM Aquino, ang mga datos ng energization na inilalabas ng kooperatiba ay naka-base lamang sa barangay level, at hindi sakop ang mga sitio o purok, kaya’t maaaring may bahagi pa rin ng barangay na hindi pa rin napapailawan.











