--Ads--

Tuloy-tuloy ang isinasagawang power restoration ng pamunuan ng Isabela Electric Cooperative o ISELCO I sa mga barangay na naapektuhan ng power outage dahil sa Bagyong Paolo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Teodorico Dumlao, Technical Services Department Head ng ISELCO I, sinabi niyang wala namang naitalang direktang pinsala sa mga linya ng kuryente sa kanilang service area. Gayunman, maraming sanga ng kahoy ang sumabit sa mga linya na naging sanhi ng pagkaantala sa suplay ng kuryente.

Ayon kay Engr. Dumlao, ang pangunahing dahilan ng power outage kahapon sa kasagsagan ng bagyo ay ang naging problema sa Ramon Substation, Cabatuan Substation, at Alicia Substation, partikular sa 69 kV line, na inabot ng ilang oras bago tuluyang naayos.

Tiniyak naman niya na patuloy ang pagsisikap ng ISELCO I na maibalik ang suplay ng kuryente sa lahat ng labing-limang bayan na sakop ng kanilang serbisyo.

--Ads--

Kabilang sa mga lugar na hindi pa napapailawan ay ang 35 barangay sa Cauayan City, partikular na sa bahagi ng West Tabacal Region, East Tabacal, at Forest Region.

Sa kabila ng abalang power restoration, tiniyak din ni Engr. Dumlao na prayoridad pa rin ang kaligtasan ng mga linemen na itinalaga para sa pagkukumpuni ng mga linya ng kuryente.