Inanunsyo ng Isabela Electric Cooperative o ISELCO II ang planong pagkalas sa Philippine Rural Electric Cooperative Association o PhilRECA.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Board of Directors chairman Sherwin Balloga ng Iselco II, sinabi niya na ipinalabas nila ang Board Resolution sa pangunguna ni Engr. Ernie Baggao sa ginanap na board meeting.
Laman ng resolusyon ang pagkalas ng ISELCO II sa asosasyon na aniya ay nag ugat sa RODEO 2025 na isang Lineman’s Workers competition Luzon Leg.
Aniya nagpunta sila sa RODEO 2025 para magpakita ng pagsupora sa kinatawan ng ISELCO II na kalahok sa kompetisyon.
Ginanap ang awarding ceremony kinagabihan kung saan ang guest speaker ay si PhilRECA Partylist Representative Cong. Presly De Jesus.
Aniya hindi nila inasahan na gagamitin ito ng Kongresista para batikusin ang mga kooperatibang hindi nagpakita ng suporta sa PhilRECA partylist nitong nagdaang halalan.
Batay sa pahayag ni Cong. De Jesus isa sa mga binanggit na kooperatiba ay ang ISELCO II kung saan sinita umano sila dahil sa hindi pagboto o pagsuporta sa PhilRECA.
Nabanggit din umano ang pagbabanta na pagharang sa franchise renewal ng mga electric cooperative sa Kongreso.
Lumalabas din aniya na tila planado na gagamitin ang RODEO 2025 bilang plataporma para batikusin sila dahil sa live streaming ay nagkaroon ng tila technical glitch kung saan muted ang bahagi ng talumpati ni Cong. De Jesus.
Sa katunayan aniya nakakuha ang Philreca partylist ng 7,000 votes sa Lalawigan lamang ng Isabela, hindi naman aniya nila hawak ang utak ng mga botante at wala rin silang kapangyarihan na diktahan ang sinoman kung sino ang Partylist na nais nilang iluklok na sa tingin nila ay nakakatulong talaga sa kanila.
Tahasan ding inihayag ni Chairman Balloga maliban sa City of Santiago ay hindi na ramdam sa mga lugar na sakop ng ISELCO II ang tulong mula sa PhilRECA lalo ng hagupitin ng magkakasunod na bagyo ang Northern Luzon kung saan binaha ang City of Ilagan, bilang isang kooperatiba ay inisyatiba nila na magkaroon ng relief operation subalit walang tulong mula sa PhilRECA.
Hindi din aniya gumawa ng hakbang ang asosasyon ng magkaroon ng problema sa pamunuan ng ISELCO II kung saan kinailangan pang makielam ng NEA at magkaroon ng ilang beses na pagpapalit ng Manager para maayos ang gusot sa kooperatiba.
Dagdag pa niya na may karapatan silang magtampo lalo at nakikita nilang pinupolitika na ang asosasyon .
Sa kabila nito ay pinawi niya ang pangamba ng member consumers na walang epekto ang pagkalas nila sa PhilRECA sa presyo ng kuryente ng kooperatiba.











