--Ads--

CAUAYAN CITY- Kinakailangan ng masusing pag-aaral ang panukala ng ilang kongresista na nagbabawal sa pagpapadala ng mga estudyante sa ibang bansa o malalayong lugar para sa internship o on-the-job (OJT) training program pangunahin na sa mga State Colleges oUniversity.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Ricmar Aquino, Presidente ng Isabela State University (ISU) System, sinabi niya na kinakailangan din ng mga estudyante na magkaroon ng iba’t ibang karanasan hindi lamang dito sa bansa kundi maging sa ibayong dagat para malinang ang kanilang kakayahan.

Dapat umanong timbangin ng maigi ang positibo at negatibong epekto ng programa, ngunit kung mas marami ang magandang naidudulot nito ay hindi dapat ito ipagbawal.

Aniya, nagpapadala ang ISU ng mga mag-aaral sa Europa at ibang mga bansa gaya ng Taiwan at Thailand na nagbibigay ng oportunidad para mahasa ang kakayahan ng mga mag-aaral.

--Ads--

Karamihan naman sa kanilang mga ipinapadala ay mga Agriculture, Forestry at Engineering Student kung saan nakatulong ito sa kanilang employment at mayroon na ring mga industry abroad na nag-aalok sa kanila ng trabaho.

Giit nito na nakatutulong para sa pagiging globally competitive ng mga estudyante ang pagpapadala sa kanila sa ibang bansa upang magsanay lalo na at hindi pa ganoon kasapat ang kakayahan ng bansa sa paglinang sa skills ng mga kabataan.

Mayroon namang coordinators na nagmomonitor sa kalagayan ng mga bata sa ibang bansa kung saan nakikipag-ugnayan din sila sa kanilang partner agencies upang matukoy kung natutugunan ba ang pangangailangan ng mga estudyante.

Nilinaw niya na hindi naman mandatory ang pagpunta ng mga estudyante sa ibang bansa para sa internship bagkus ito ay voluntary lamang.