--Ads--

Nagkasundo ang Israel at Syria na magtatag ng isang joint mechanism para sa pagbabahagi ng impormasyon at koordinasyon sa military de-escalation, sa ilalim ng supervision ng United States, ayon sa pahayag ng tatlong bansa.

Tinawag itong “dedicated communication cell”, na magsisilbing plataporma hindi lamang para sa seguridad kundi pati na rin sa diplomatikong ugnayan at mga oportunidad sa kalakalan.

Ang kasunduan ay resulta ng mga pagpupulong sa Paris noong Lunes at Martes, kung saan nakibahagi ang mga opisyal ng Israel at Syria, kabilang ang Syrian foreign minister. Layunin ng US na muling buhayin ang negosasyon upang matigil ang paulit-ulit na pag-atake ng Israel sa hilagang-silangang bahagi ng Syria.

Ayon sa pahayag, ang mekanismo ay magsisilbing paraan upang agad na maresolba ang mga hindi pagkakaunawaan at maiwasan ang mas malalaking sigalot.

--Ads--

Gayunman, isang opisyal ng Syria ang nagsabing hindi posible ang pag-usad sa mga “strategic files” nang walang malinaw at ipinatutupad na timeline para sa pag-atras ng mga tropang Israeli mula sa mga teritoryong sinakop simula nang mapatalsik si dating Pangulong Bashar al-Assad noong Disyembre 2024.

Dagdag pa ng opisyal, nagtapos ang usapan sa inisyatiba na suspindihin ang lahat ng aktibidad militar ng Israel laban sa Syria, bagay na hindi pa kinukumpirma ng panig ng Israel.

Matatandaan na matagal nang okupado ng Israel ang bahagi ng Golan Heights mula pa noong 1967.

Lumawak pa ang kanilang kontrol noong nakaraang taon, kabilang ang pagkuha sa Jabal al-Sheikh, isang estratehikong bundok sa hangganan ng Israel at Syria.

Nagsagawa rin ang Israel ng ilang pag-atake, kabilang ang pambobomba sa gusali ng Ministry of Defence sa Damascus.

Bagama’t tinuturing ng Israel na “extremist” ang bagong pamunuan ni President Ahmed al-Sharaa, malinaw ang suporta mula kay US President Donald Trump.