--Ads--

Inilunsad ng militar ng Israel ang mga pag-atake sa tinukoy nitong mga “target” ng Hezbollah at Hamas sa Lebanon matapos maglabas ng utos ng paglikas sa apat na nayon sa silangan at timog ng bansa.

Ayon sa tagapagsalita ng Israeli Forces, nakatakda ang mga air strike laban sa “military infrastructure” ng Hezbollah at Hamas sa mga nayon ng Hammara at Ain el-Tineh sa Bekaa Valley, at sa Kfar Hatta at Aanan sa timog Lebanon.

Isang photographer ng AFP sa Kfar Hatta ang nakakita ng dose-dosenang pamilya na tumatakas matapos ang babala ng Israel, kasabay ng paglipad ng mga drone sa lugar. Nakaantabay ang mga ambulansya at fire trucks.


Noong 2024, nagkasundo ang Israel at Lebanon sa isang US-brokered ceasefire na nagtapos sa mahigit isang taon ng matinding labanan sa pagitan ng Israeli forces at Hezbollah. Gayunman, paulit-ulit nang nilabag ng Israel ang tigil-putukan sa pamamagitan ng pambobomba at patuloy na okupasyon sa limang lugar sa Lebanon.

--Ads--

Nahaharap ang Lebanon sa tumitinding presyon mula sa Estados Unidos at Israel upang disarmahan ang Hezbollah, at nangangamba ang mga lider ng bansa na lalo pang titindi ang mga pag-atake ng Israel.

Inaasahan ng Lebanese army na makumpleto ang disarmament sa timog ng Litani River, 30 kilometro mula sa hangganan ng Israel, bago matapos ang 2025. Subalit sinabi ni Israeli Foreign Minister Gideon Saar kamakailan na ang mga hakbang na ito ay “malayo pa sa sapat.”