--Ads--

Naka-High Alert na ang buong Israel bilang paghahanda sa gagawing pag-atake ng Iran bilang ganti sa pagkasawi ng Lider ng Hamas.

Matatandaan na noong katapusan ng Hulyo ay napatay sa Israel strike sa Iran ang political lider ng Hamas na si Ismail Haniyeh. Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bombo International News Correspondent Sonny Osorio, sinabi niya na nagbanta ang Iran na muling gagawin ang ginawa nila pag-atake noong ika-14 ng Abril kung saan pinaulanan nila ng mahigit tatlong daang ballisic Missiles ang Israel.

Tiniyak naman ng Israeli Defense Minister na nakahanda silang depensahan ang bansa at sa ngayon ay pinag-iisipan umano nila kung aantayin nila ang ganti ng Iran o kung sila na mismo ang aatake. Dahil dito ay agad na nagsagawa ng zoom meeting ang Embahada ng Pilipinas sa mga Filipino na nasa Israel para sa panuntunan na dapat sundin upang masiguro ang kanilang kaligtasan.

Inabisuhan naman sila na iwasan na munang magtungo sa mga lugar na malapit sa mga border sa South at Westbank kung saan may mataas na tensyon dahil sa giyera. Ilan sa mga Pinoy na naroon ay kumpiyansa sa kakayahan ng Israel sa pagdepensa ngunit ang ilan ay nangangamba para sa kanilang kaligtasan pangunahin na ang mga bago pa lamang doon.

--Ads--

Nagpapatuloy pa rin naman ang repatriation program ng pamahalaan ng Pilipinas para sa mga Pilipino na nagnanais lisanin ang naturang bansa.