--Ads--

Hinihiling ng Public Order and Safety Division (POSD) sa pamunuan ng Isabela State University (ISU) Cauayan Campus na buksan ang lahat ng gate tuwing peak hours upang maiwasan ang matinding trapiko.

Kahapon, sa pagbubukas ng klase sa nasabing unibersidad, nakaranas ng mabigat na daloy ng trapiko na nagsimula bandang alas-6 ng umaga.

Ayon kay POSD Chief Pilarito Mallillin, umabot ang trapiko hanggang sa bayan ng Luna, Isabela dahil sa dami ng sasakyan na gumagamit lamang ng iisang ruta papasok at palabas ng unibersidad.

Ipinaliwanag niya na kung mabubuksan ang iba pang gate, maiiwasan ang mabigat na trapiko o kung hindi man, mas mapapabilis ang pag-usad ng daloy ng sasakyan.

--Ads--

Dagdag ni Mallillin, minsan na rin niyang inirekomenda sa Sangguniang Panlungsod ang pagbubukas ng ilang gate, ngunit hindi agad ito naisakatuparan.

Binigyang-diin niya na mas mahihirapan ang mga estudyante at motorista kung walang koordinasyon sa pagitan ng pamantasan at mga awtoridad para sa mas epektibong solusyon.

Sa kasalukuyan, libo-libong estudyante ang nag-aaral sa ISU Cauayan ngunit iisang gate lamang ang nagsisilbing entrance at exit, dahilan upang maraming tricycle ang ma-stranded at magdulot ng mabigat na trapiko sa labas ng paaralan.