
CAUAYAN CITY – Isinailalim sa lockdown ang Isabela State University main campus sa Echague, Isabela matapos may makasalamuhang COVID-19 positive ang ilang empleyado.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Ricmar Aquino, Presidente ng ISU System, sinabi niya isinailalim sa lockdown ang buong Campus at work from home na lang muna ang kanilang mga empleyado.
Nilinaw ni Dr. Aquino na naging close contact lamang ng nagpositibo sa virus ang kanilang tatlong staff at hindi pa tiyak kung sila ay nahawaan.
Ayon kay Dr. Aquino, nakadepende sa magiging resulta ng isasagawang swab test sa mga empleyado kung kailan tatanggalin ang lockdown sa nasabing pamantasan at muling makapagpatuloy sa kanilang mga transaksyon.
Aniya buong campus ang nilockdown dahil bumisita umano ang nasabing staff sa ibang opisina ng paaralan.
Umaasa ang presidente ng ISU na negatibo ang resulta ng swab test ng kanilang mga staff.
Nananatili namang maganda ang operasyon ng buong ISU System kahit limitado ngayon dahil sa mga restriksyong dulot ng pandemya.
Sinusubukang gamitin ng institusyon ang mga alternatibo tulad ng iba’t ibang modes of learning pati na ang paggamit ng teknolohiya para maipagpatuloy pa rin ang kanilang operasyon.










