Nagsama-sama ang mga estudyante, guro, at kawani ng Isabela State University – Echague Campus sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng ilang dekada para sa isang peacewalk rally o campus walkout bilang pagpapahayag ng kanilang saloobin laban sa umiiral na korapsyon sa bansa.
Ayon kay Heinrich Emmanuel Galabay, Supreme Student Council President, malinaw na nadarama ng kabataan ang bigat ng katiwalian sa lipunan. Aniya, hindi lamang ang mga manggagawa ang apektado, kundi pati na rin ang mga estudyante, na animo’y ninanakawan ng kanilang kinabukasan.
Dagdag pa niya na oras na para tumindig at lumaban ang mga kabataan laban sa katiwalian.
Sa kabila ng malakas na ulan, nagsimula ang martsa dakong alas-tres ng hapon sa harap ng Supreme Student Council Office.
Naglakad ang mga kalahok patungo sa unahan ng unibersidad habang sabay-sabay na sumisigaw ng panawagang, “Ikulong na ‘yan, mga kurakot!”
Layunin ng peacewalk na ipakita ang pagkakaisa ng mga ISUans sa laban kontra korapsyon, at ipanawagan ang mas maayos, tapat, at makataong pamamahala sa bansa.
Maliban sa mga estudyante, may ilang personalidad din ang lumahok sa isinagawang peace rally, kabilang na si Santiago City Councilor Christopher Respicio, isang alumnus ng nasabing unibersidad.
Ayon kay Respicio, dumalo siya hindi bilang opisyal ng pamahalaan kundi bilang isang karaniwang mamamayan na naninindigan laban sa katiwalian.
“Panahon na upang wakasan ang mga paulit-ulit na script. Dapat magkaroon ng pananagutan at panagutin ang mga dapat managot,” mariing pahayag ni Respicio.
Binigyang-diin din niya na hindi hadlang ang masamang panahon sa paglaban kontra katiwalian. Aniya, ito na ang tamang oras upang marinig ng pamahalaan ang hinaing ng mamamayang Pilipino.
Ipinahayag din ni Respicio ang buong suporta sa mga katulad na pagkilos, at tiniyak na hindi siya mapapagod sa patuloy na pakikibaka para sa tunay na pagbabago.
Panawagan din ni San Isidro Councilor Guill Marc Mariano ang accountability o pananagutan sa gitna ng lumalalang isyu ng korapsyon sa bansa.
Ayon sa kanya, dati siyang nagturo sa Institute for Public Administration and Governance, kaya nang mabalitaan niya ang gaganaping peace rally kontra korapsyon, agad siyang nagtungo sa unibersidad upang makiisa.
Binigyang-diin niya na napakahalaga at napapanahon na ang pakikilahok ng mga kabataan sa mga isyung panlipunan, upang mapanagot ang mga tiwaling opisyal at mapatibay ang demokrasya.
Panawagan din niya sa publiko na isulong ang good governance at piliin ang mga karapat-dapat na lingkod-bayan. Dagdag pa niya, dapat mabigyan ng sapat na edukasyon ang mga kabataan hinggil sa kanilang karapatang pumili ng tama sa eleksyon.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Mariano na nasa ICI ang hamon upang panagutin ang mga dapat managot, nang walang kinikilingan at sinisino.
Hinamon din niya ang media na patuloy na tutukan ang isyu ng korapsyon, upang hindi masayang ang ipinaglalaban ng mga mamamayan.











