CAUAYAN CITY – Hindi inaasahan ni Bb. Czarina Rivera na siya ay mapapabilang sa top 10 sa mga nakapasa sa Psychometrician Licensure Examination sa kanyang rating na 84. 60 %.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bb. Rivera na residente ng Quezon, Isabela, sinabi niya na tanging nais niya ay makapasa sa pagsusulit ngunit labis siyang natutuwa na siya ay number 10.
Aniya, naging malaking hamon para sa kanya ang paghahanda sa examination dahil tinamaan ng dengue ang dalawang kapatid at kinailangan niyang hindi pumasok ng isang buwan.
Maliban dito ay tatlong taon din siyang natigil sa pag-aaral dahil naging palipat-lipat sila ng tirahan bunsod ng bokasyon ng kaniyang ama bilang ministro ng isang sekta ng relihiyon.
Ayon kay Bb. Rivera, sa ngayon ay bukas siya sa mga oportunidad na maaaring dumating sa kanya bilang bagong psychologist.
Aniya dahil sa hilig sa pagbabasa ng mga librong may kaugnayan sa human behavior ay nagpasya siya na kunin ang kursong Bachelor of Science in Psychology sa Isabela State University (ISU) Echague campus.
Ayon sa Professional Regulation Commission (PRC), nakapasa ang 6,800 mula sa 10,670 na kumuha ng Psychometrician Licensure Examination na pinangasiwaan ng Board of Psychology sa mga lunsod ng Maynila, Baguio, Cagayan De Oro, Cebu, Davao, Iloilo, Legazpi, Lucena, Tuguegarao at noong October 2019.