--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakakuha ng 100% passing performance ang Isabela State University (ISU) Ilagan Campus at Number 1 performing school sa buong bansa sa pinakahuling resulta ng Licensure Examination for Midwife.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Alfonso Simon, Executive Officer ng ISU Ilagan Campus na  nagrank-1 sila sa pinakahuling resulta ng Licensure Examination for Midwife matapos na pumasa lahat ang 19 na kumuha ng pagsusulit.

Inihayag pa ni Dr. Simon na ang national passing rate ay 47.02%.

Sinabi ni Dr. Simon na may isinagawang review sa kanilang paaralan bago ang pagsusulit at nagsagawa rin ng mock examination na naging maganda ang resulta kaya laking tuwa nila ng pumasa ang lahat ng kanilang mga mag-aaral.

--Ads--

Ang mga naturang mag-aaral ay produkto ng pandemic graduate na dumaan sa maraming pagsubok sa flexible learning kaya masayang-masaya sila na ang lahat ng 19 na kumuha ng pagsusulit ay nakapasa sa Licensure Examination for Midwife.

Todo suporta ang paaralan sa kanilang mga mag-aaral dahil sila mismo ang naghatid at sumundo sa Tuguegarao City kung saan isinagawa ang pagsusulit.

Samantala, ipinagmamalaki rin ng ISU Ilagan Campus ang Number 2 sa Bar Examination na si Hyacinth Pacano Bueno na residente ng Gayong-Gayong, Ilagan City na nakakuha ng 89.55 rating na Point 4 lamang ang lamang sa Number 1 sa Bar  Examination na nakakuha ng 89.95 rating.