--Ads--

Ilang aktibidad ang inihanda ng Sentro ng Wika at Kultura (SWK) ng Isabela State University (ISU) ngayong Agosto bilang pagdiriwang ng Buwan ng Wika na may temang “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa.”

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Mark John Prestoza, Direktor ng SWK, na ang mga aktibidad ay nakaangkla sa kasaysayan ng Wikang Filipino alinsunod sa Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997 ni dating Pangulong Fidel Ramos.

Kabilang sa mga tampok na gawain ang Tertulyang Pangwika, isang komperensya na layong pagyamanin ang wika, kultura, at panitikan ng ISU. Dadaluhan ito ng mga batikang propesor at mga kinatawan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Bilang bagong sangay ng KWF sa rehiyon, layon ng ISU SWK na maglunsad ng mga aktibidad at proyektong pangwika, kabilang ang pamamahagi ng mga babasahin, aklat, at poster na may temang pangkultura. Bahagi rin ng kanilang layunin ang pagbibigay ng teknikal na patnubay sa mga proyektong may kaugnayan sa wika.

--Ads--

Hinikayat din ng SWK ang mga guro at mag-aaral na lumahok sa mga aktibidad, lalo na sa pagpapayabong ng literasiya sa katutubong wika, na tinuturing nilang “talinong bayan.” Nais din nilang palakasin ang paggamit ng unang wika (L1) sa edukasyon, base sa mga pag-aaral na mas mahusay ang pagkatuto ng mga batang gumagamit ng kanilang kinagisnang wika.

Nabanggit din ni Dr. Prestoza ang MOU sa pagitan ng ISU system, DepEd, at KWF upang palalimin ang pagmamahal sa sariling wika.

Samantala, naglabas ng pangamba ang SWK sa kamakailang pagpapatupad ng RA 12027, na nagtatanggal sa Mother Tongue-Based Multilingual Education sa Kinder hanggang Grade 3, at pinag-aaralan din ang pagtanggal ng asignaturang Filipino sa kolehiyo.

Giit ng SWK, hindi sagabal ang wika sa pagkatuto, bagkus, ito ang salamin ng dangal, talino, at pagkakakilanlan ng bayan.