CAUAYAN CITY – Nagdadalamhati ngayon ang Isabela State University (ISU) system dahil sa pagpanaw ng kanilang Vice President na si Juanito Rosini bunsod ng Coronavirus Disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Ricmar Aquino, presidente ng ISU System na noong Marso ay nagpadala sa kanya ng mensahe si Vice President Juanito Rosini na hindi maganda ang kanyang pakiramdam kaya pinayuhan niya na magpacheck-up.
Lumabas na positibo siya sa COVID-19 sa pagsailalim niya sa swab test ngunit hindi agad nai-confine sa ospital dahil walang bakante.
Binigyan naman siya ng gamot at sumailalim sa home quarantine ngunit lumala ang kanyang kalagayan.
Ayon kay Dr. Aquino, tumawag sa kanya ang misis at sinabing kailangan nang dahil sa ospital si Vice President Rosini kaya naghanap sila ng pagamutan ngunit walang bakante.
Lumapit sila kay Vice Governor Faustino Dy III at nakakuha naman sila ng kuwarto sa isang pagamutan sa lunsod ng Santiago.
Gayunman ay medyo malala na ang kanyang sakit at binawian ng buhay kagabi.
Ayon Dr. Aquino, hindi pa niya nakausap ang maybahay ni Vice President Rosini ngunit balita niya ay ililibing agad ang vice president.
Sa ngayon ay hindi pa nila alam kung paano nahawa sa COVID-19 ang bise presidente ng ISU system.
Sinabi ni Dr. Aquino na ang pumanaw na opisyal ng ISU ay maraming nagawa para sa unibersidad.
Nasa 40 taon na ang paglilingkod niya sa unibersidad dahil nang magtapos sa kolehiyo ay nagtrabaho na siya sa ISU bilang faculty staff.
Pansamantala ay magtatalaga muna siya ng Officer-In-Charge sa opisina ng vice president para maipagpatuloy ang mga trabaho.






