Janitor na may asawang polio, nagsumikap para mapaganda ang kinabukasan ng 6 na anak
CAUAYAN CITY- Hindi naging hadlang ang pagiging Janitor sa isang 68 anyos na ama na ginawa ang lahat maitaguyod lamang sa pag aaral ang kanyang anim na anak maging ang pag-alaga sa kanyang asawa na may sakit na polio.
Hindi sumuko sa pagtaguyod sa kanyang mga anak gaano man kahirap ang kanilang pamumuhay si Ingracio Layugan ng Turayong, Cauayan City, Isabela na nagtatrabaho bilang isang janitor sa Cauayan City National High School.
Bilang haligi ng tahanan, hindi kayang makita ni Tatay Layugan ang kanyang mga anak na hindi pumasok sa paaralan kaya naman naglakas loob siyang humiram ng pera sa kanyang mga kapitbahay.
Para makabayad sa kaniyang pinagkaka-utangan ay nagsumikap siya sa pagbabanat ng buto.
Maliban sa pagiging janitor ay nangangalakal siya ng mga plastic bottle sa mga lansangan at ito ay kanyang iipunin at ibebenta.
Sa kabila ng kanyang trabaho ay mag isa rin niyang itinaguyod ang kanyang pamilya hanggang sa napagtapos nito sa kolehiyo ang dalawa sa anim nyang mga anak.
Isang HRM graduate na sa ngayon ay nasa bansang hongkong at kamakailan lang ay ang pang lima nitong anak na nagtapos sa kursong Bachelor of Arts major in English.
Habang ang iba ay may kanya-kanya ng pamilya at trabaho sa isang pribadong kumpanya.




