Kasalukuyang isinasagawa sa ngayon ang Job Fair 2026 sa Ground Floor ng Queen Isabela Park, Capitol Compound, ngayong araw, mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Hindi lamang mga lokal na employer ang lumahok sa aktibidad kundi maging ang mga overseas recruitment agencies na nag-alok ng iba’t ibang oportunidad sa trabaho para sa mga Isabeleño.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PESO-Isabela Manager Ms. Cecilia Claire “Jeng” N. Reyes, sinabi nito na maraming job vacancies ang inihain sa nasabing job fair.
Ayon kay Reyes, mas mainam ang pag-aapply sa mga ganitong job fair dahil sabay-sabay na naroon ang maraming employer at hindi na kinakailangang magtungo pa sa kani-kanilang mga opisina.
Dahil dito, nakatipid ang mga aplikante sa pamasahe at oras. Dagdag pa niya, mas naging malaki rin ang tsansa ng agarang pagkaka-hire dahil may ilang employer na may request na mag-hire on the spot.
Target ng PESO-Isabela na hindi bababa sa 10 porsiyento ng mga aplikanteng lumahok sa job fair ang agad na makuha sa trabaho.
Batay sa tala, mahigit 450 rehistradong job seekers ang dumalo sa aktibidad, kung saan may kabuuang 50 lokal na employer at walong overseas agencies ang nakibahagi.
Bukod sa Job Fair, naglagay rin ang PESO Isabela ng Business One Stop Shop upang mas mapadali ang pagproseso ng mga kinakailangang dokumento at serbisyo para sa mga aplikante at negosyante katuwang ang siyam na National Government Agencies.
Kabilang dito ang Philippine National Police para sa issuance ng Police Clearance, PNP Legal Service na nagkaloob ng libreng serbisyong legal, Social Security System (SSS), Pag-IBIG Fund, Philippine Statistics Authority (PSA), at PhilHealth.
Nakiisa rin ang National Bureau of Investigation (NBI) para sa kaugnay na mga serbisyo, ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na nag-alok ng libreng training, at ang Bureau of Internal Revenue (BIR)para sa iba pang kinakailangang transaksyon ng mga aplikante.











