CAUAYAN – Isinasagawa ngayong araw ng kagawaran ng paggawa at hanapbuhay o DOLE bilang bahagi ng pagdiriwang ng araw ng kalayaan ang job fair sa tatlong lugar sa ikalawang rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Chester Trinidad, Information Officer ng DOLE Region 2 sinabi niya na nasa 3,993 na local employment na maaring aplayan ng mga naghahanap ng trabaho sa Region 2.
Aniya hindi lamang college graduate ang hinahanap ng mga employer dahil maging ang mga technical vocational graduates at senior high school graduate ay may job opening na pwede nilang aplayan.
Lahat naman aniya ng mga job openings ay naka-post sa kanilang social media page.
Pinaalalahanan niya ang mga job seekers na huwag kalimutang I-scan ang QR Code at pagclick sa link na nasa kanilang page at dito magregister bago magtungo sa job fair.
Sa pamamagitan nito ay mas madali silang makahanap at matanggap sa trabaho.
Tatlo ang venue ng Job Fair na kinabibilangan ng SM sa Cauayan City, SM sa Lunsod ng Tuguegarao at Robinson’s Place sa Lunsod Santiago.
Magsisimula silang tumanggap ng mga job seekers mamayang alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon.
Ayon pa kay Ginoong Trinidad halos lahat ng sektor ay may kinatawan sa nasabing job fair.