Magsasagawa ng job fair ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela bilang tulong sa mga bagong nagtapos ngayong taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PESO Isabela Officer Jeng Reyes ng Provincial Government of Isabela, sinabi niyang may 37 kompanya na ang nagpahayag ng kanilang pakikilahok sa nasabing job fair.
Gaganapin ito sa July 25, 2025, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon sa Ground Floor ng Queen Isabela Park, Provincial Capitol sa Alibagu, City of Ilagan, Isabela.
Sa kasalukuyan, may mahigit 500 job vacancies mula sa iba’t ibang kumpanyang lalahok sa aktibidad.
Karamihan sa mga kompanyang kalahok ay mula sa lokal na lugar, bagama’t may ilan ding nagmula sa ibang lalawigan at rehiyon.
Hinikayat ni Reyes ang mga job seekers na tingnan ang opisyal na social media page ng kanilang opisina para sa listahan ng mga trabahong maaaring applyan.
Ayon kay Reyes, layunin ng job fair na matulungan ang mga bagong graduates na makahanap agad ng trabaho.
Wala aniyang partikular na okasyon ang dahilan ng job fair, sapagkat taun-taon itong isinasagawa ng PESO Isabela tuwing Hulyo at Agosto, na siyang panahon ng pagtatapos ng mga estudyante sa kolehiyo.
Bukod sa mga kumpanyang mag-aalok ng trabaho, lalahok din ang limang national government agencies na magbibigay ng kanilang frontline services gaya ng Philippine Statistics Agency, NBI, SSS at iba pa.
Samantala, ipinaalala naman niya na maaaring makakuha ng libreng documento sa paghahanap ng trabaho ang mga first time job seeker at kailangan lamang ng barangay certificate na sila ay first-time job seeker upang makapag-avail sa libreng mga dokumento gaya na lamang ng PSA Certificates, NBI Clearance at iba pa.
Hinimok niya ang mga naghahanap ng trabaho na samantalahin ang pagkakataong ito.
Paalala pa niya na magdala ng maraming kopya ng resume na nakaayon sa papasukang trabaho at paghandaan ang mga job interviews upang magkaroon ng mas mataas na tyansa na makuha sa trabaho.











