--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagpapatuloy ang Jobstart program ng kagawaran ng Paggawa at hanapbuhay o DOLE Region 2 na naglalayong mahubog ang kaugalian at kagalingan ng mga kabataan upang maplano pa ng mas maigi ang kanilang tatahaking landas sa pagtatrabaho.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Chester Trinidad, Information Officer ng DOLE Region 2 na ang jobstart program ay nakikitang kailangang-kailangan ng mga kabataan na paraan upang ma-enhance ang kanilang employability.

Layunin ng DOLE na pagkatapos makapag-aral ang mga kabataan ay makapasok na sa trabaho agad at mabawasan ang mahabang panahon sa kanilang paghahanap ng trabaho.

Dito anya mapapabuti pa ang kanilang kasanayan at abilidad sa mundo ng paggawa.

--Ads--

Sa pamamagitan ng Jobstart program ng DOLE ay magbibigay ng mga skills training upang makapasok sa iba’t ibang industriya hindi lamang sa ikalawang rehiyon kundi maging sa iba pang panig ng bansa.

Bukod dito ay mayroon din silang internships program na tatagal ng tatlong buwan sa DOLE at babayaran ang sasailalim dito.

Dito anya sa region 2 ay may dalawang katuwang sa programa ang DOLE na kinabibilangan ng LGU Santiago City at LGU Ilagan City.

Pangunahing target ng JOBSTART ang mga kabataan na nagtapos ng Senior High School, graduate ng technical courses at maging ang mga nagtapos ng kolehiyo.

Ang mga jobstart trainees na lumalahok ngayon sa pagsasanay ay labing walong taong gulang hanggang dalawamput apat na taong gulang.