Nakatakdang lagdaan ngayong araw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang joint circular para sa guidelines ng itatatag na Child Development Centers ng mga lokal na pamahalaan.
Isa ito sa mga hakbang ng gobyerno para mabigyan ng access sa early childhood education ang mga mahihirap na barangay sa bansa.
Noong Marso, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglalabas ng P700 million na pondo para sa pagtatayo ng CDCs kasunod ng mungkahi ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM II.
Sa ulat ng EDCOM, may 5,800 barangay pa sa bansa ang wala pang CDCs, at 229 sa mga barangay na ito ang kabilang sa mga mahihirap na LGUs.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, malaki ang maitutulong ng early childhood development initiatives sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon sa bansa, tulad ng pagbaba ng ang dropout rate, at pagtaas naman ang completion rate at literacy ng mga batang mag-aaral.
Tiniyak naman ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng pondo para sa mga itatayong CDCs ngayong taon na idadaan sa Local Government Support Fund.