Itinalaga ni Ferdinand R. Marcos Jr. si Juan Miguel Cuna bilang Acting Secretary ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), kapalit ni Raphael Lotilla na itinalagang Philippine Ambassador to the Holy See.
Sa Press Briefing sa Malacañang nitong Biyernes, inihayag ni Atty. Claire Castro, Undersecretary ng Presidential Communications Office (PCO) at Palace Press Officer, na si Cuna ay isang abogado na nagsilbing Director ng DENR mula 2010 hanggang 2015. Naging Assistant Secretary at kalaunan ay Undersecretary din siya ng ahensya noong 2017.
Bago ito, nagsilbi rin si Cuna bilang Provincial Environment and Natural Resources Officer ng DENR mula 2008 hanggang 2010.
Bukod sa kanyang karanasan sa DENR, siya’y naging Law Professor sa Arellano Law Foundation at nagsilbi bilang Director IV at Legal Officer ng Presidential Legislative Liaison Office sa ilalim ng Office of the President mula 1998 hanggang 2001.
Ayon kay Castro, hindi maaapektuhan ang operasyon ng DENR sa kabila ng pagbabago sa pamunuan dahil tiniyak nina Cuna at Lotilla ang maayos at tuluy-tuloy na transisyon.
“Upang masiguro ang tuloy-tuloy na operasyon sa DENR, nagpapatuloy ang matiwasay na transisyon sa pagitan nina Secretary Lotilla at Cuna,” ani Castro.
Samantala, sinabi rin ni Castro na nagpapatuloy pa ang proseso ng pagsusumite ng mga pangalan ng mga Acting Secretary para sa confirmation.







