Ipapa-subpoena rin ng House Committee on Justice ang income tax returns nina Vice President Sara Duterte at kaniyang asawa na si Manases “Mans” Carpio at value-added tax (VAT) returns ng lahat ng negosyong nakalista sa State of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng Bise Presidente mula 2023 hanggang 2024, ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon.
Maliban pa aniya ito sa pagpapa-subpoena ng SALNs at bank transactions ng mag-asawa.
Ayon kay Ridon, base sa isinumiteng 2024 SALN ng Pangalawang Pangulo, mayroon siyang P88 million net worth subalit sa accumulative salary ng Bise Presidente mula 2007 hanggang 2024 ay may kabuuang P30 million hanggang P40 million lamang ito.
Giit ni Ridon kailangang maipaliwanag ng Bise President ang kwestyonableng gap, na maaaring mabigyang linaw sa pamamagitan ng tinatawag na “other lawful income” mula sa law practice at business interests na nakalista sa SALN ng Pangalawang Pangulo.
Binigyang diin ng mambabatas na dapat masilip sa impeachment proceedings ang revenue sa loob ng 17 taon na nasa P200 million hanggang P400 million para mailabas ang P50 million na gap sa pagitan ng accumulative salary ni VP Sara mula 2007 hanggang 2024 sa kaniyang net worth noong 2024.
Una rito, hinimok ni Rep. Chel Diokno ang Justice committee sa pamamagitan ng kaniyang ipinadalang sulat, na mag-isyu ng “subpoena duces tecum” para sa ilang mga dokumento kabilang na ang mga makapagbibigay linaw sa business interests nina VP Sara at Atty. Mans Carpio.
Kabilang sa hinihiling na dokumento ang mga sertipikasyon mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) kaugnay sa kahina-hinalang mga transaksiyon na konektado sa mga account na nasa ilalim ng pangalan nina VP Sara, Manases Carpio at dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa Justice Committee, maaari nilang ipa-subpoena ang bank records mula 2007 hanggang sa kasalukuyan para masuri ang hindi maipaliwanag na yaman at imbestigahan ang alegasyon ng korapsiyon.











