--Ads--

Magpapatuloy ngayong Marso 25 ang pagdinig ng House Committee on Justice kahit na nagpahayag ang kampo ni Vice President Sara Duterte na hindi ito dadalo.

Ayon kay Batangas Rep. Gerville Luistro, chairperson ng komite, ipinaabot ng kampo ni Duterte ang kanilang desisyon na hindi lumahok dahil kinukuwestiyon nila ang constitutionality ng impeachment process.

Ipinaliwanag ni Luistro na kahit may ganitong pagtutol, obligasyon ng Committee on Justice na ipagpatuloy ang tungkulin nito alinsunod sa Konstitusyon.

Dagdag pa niya, responsibilidad ng komite na alamin kung may probable cause ang mga impeachment complaint laban kay Duterte at kung nararapat itong iakyat sa Senado para sa impeachment trial.

--Ads--

Iginiit ni Luistro na tuloy ang pagdinig.

Binigyang-diin din niya na isasagawa ang proseso nang patas at naaayon sa Konstitusyon, at bibigyan pa rin ng pagkakataon ang Bise Presidente na sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya.

Samantala, sinabi ng isa sa mga abogado ni Duterte na si Michael Poa na nagsumite sila ng liham sa Justice panel upang ipabatid na hindi dadalo ang Bise Presidente sa pagdinig sa naturang petsa.

Ang pagdinig na ito ay bahagi ng ikaapat sa limang yugto ng impeachment process sa ilalim ng Committee on Justice.

Nauna nang idineklara ng komite na sapat sa anyo, nilalaman, at batayan ang mga reklamong impeachment laban kay Duterte. Ang susunod na hakbang ay ang pagboto ng mga miyembro kung mayroong probable cause ang mga reklamo.