--Ads--

CAUAYAN CITY- Nanawagan ang Veterans of the Philippines – Cauayan Chapter sa kabataan na ipakita ang pagmamahal sa sariling bansa at huwag kalimutan ang sakripisyo ng mga bayani.

Ayon sa samahan, kapansin-pansin ang pagbabago sa kultura at pamumuhay ng ilang Pilipino sa kasalukuyang henerasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Col. Fernando Felix, adviser ng Veterans of the Philippines – Cauayan Chapter, sinabi niyang ikinagagalak nila na may mga patuloy na nakikiisa sa paggunita ng Araw ng Kalayaan. Gayunpaman, hindi na aniya tulad ng dati na halos lahat ng Pilipino ay may malawak na kaalaman tungkol sa kasarinlan ng bansa.

Aniya, may mga kabataan na mas tinatangkilik ang kultura ng ibang bansa at mas pinipiling magsilbi sa ibang lahi. Binigyang-diin niya na hanggat maaari, dapat unahin ng mga Pilipino ang pagsisilbi sa sariling bansa bilang pagpapakita ng pagmamalasakit sa bayang pinagmulan.

--Ads--

Dagdag pa ni Col. Felix, ang pinakamahalagang ambag ng kabataan sa kasalukuyan ay ang pagbubuti ng kanilang pag-aaral. Sa hinaharap, ito ang magiging sandata ng bagong henerasyon upang ipagtanggol ang bansa nang hindi na kinakailangang makipagdigma, kundi gamit lamang ang talino ng mga Pilipino.