CAUAYAN CITY – Nagkukulang ngayon ang 0.3ml syringe na ginagamit sa panturok kontra Covid 19 kaya inatasan na ang mga Center for Health Development na bumili ng tuberculin syringe upang mapunan ang kakulangan at makapagpatuloy sa pagbabakuna.
Dahil marami pang Pfizer Vaccine ang inaasahang dumating ay nasa 2.2 milyong piraso ng tuberculin syringe ang nakatakdang bilhin para sa Region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Logistics Head Ronalyn Rodriguez ng Regional Vaccination Operation Center, sinabi niya na patuloy ang pagdating ng bakunang Pfizer sa rehiyon upang tuluyan nang mabakunahan ang 70% ng target population.
Ayon kay Rodriguez tuluy-tuloy ang pagbabakuna ng Pfizer sa rehiyon kahit nagkakaroon ng kakulangan sa hiringgilya at kanyang tiniyak na kasalukuyan din ang procurement o pagbili ng pamahalaan upang hindi maapektuhan ang vaccination rollout lalo na sa mga kabataan.
Araw araw ang imbentaryo sa Logistics para malaman kung anong mga lugar ang papadalhan ng bakuna o ilang bakuna ang ibababa sa kanila.
Pangunahing inaalam ay ang mga ipapadala sa mga lunsod sa Rehiyon tulad sa Tuguegarao, Ilagan, Cauayan at Santiago.
Muling pinaalalahanan ni Logistics Head Rodriguez ang mga mamamayan na magpabakuna na kontra Covid 19 upang magkaroon ng proteksyon sa virus.











