Nagbabala ang National Public Transport Coalition o NPTC sa publiko sa posibleng kakulangan ng mga sasakyan ngayong Holy Week.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay National Public Transport Coalition Convenor Ariel Lim, sinabi niya na naglabas na siya ng Memorandum Circular bilang paalala sa mga namamasadang Jeepney para maiwasan ang aksidente sa lansangan ngayong Holy Week.
Aniya, hindi lamang ang mga tsuper ang dapat maghanda gayundin dapat ang mga gamit nilang unit kaya kailangan na tignan o obserbahan ang BLOW BAGETS.
Ngayong Holy Week na sinasabayan ng napaka-init ng panahon ay dapat ding tiyaking maayos ang kalusugan ng mga tsuper ugaliing magdala ng gamot at uminom ng maraming tubig.
Batay sa monitoring ng NPTC mapapansin ang kakulangan ng mga sasakyan partikular ang mga bus na patungo sa mga probinsya dahil sa dagsaan na rin ng mga pasahero ngayong peak season lalo na sa araw ng Miyerkules Santo.
Sa katunayan ay pila-pila na ang mga pasaherong nasa istasyon ng bus kahit na nagdagdag na ng special permit ng LTFRB para sana tugunan ang kakulangan ng public transport.
May ilan rin aniya sa kanilang grupo ang hindi mamasada dahil gagamitin din ang kani-kanilang sasakyan para umuwi sa kani-kanilang probinsya.
Nagbabala ang NPTC sa mga colorum units walang prangkisa at walang rehistro na walang direktang control ng LTFRB na posibleng samantalahin ang peak season ngayong Holy Week.
Posible rin ang traffic build up sa Linggo Easter Sunday sa mga express way dahil sa magsisibalikan na muli sa Kalakhang Maynila ang mga nagbakasyon para sa pagsisimula ng trabaho.