CAUAYAN CITY – Nahukay ng mga sundalo sa Hacienda Intal, Baggao, Cagayan ang kalansay ng isang dating kasapi ng New People’s Army (NPA) na pinatay at ibinaon ng mga dating kasama.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Maj. Jekyll Dulawan, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division, Philippine Army na sa pamamagitan ng impormasyon mula sa mga dating kasama ni Vincent “Bobot” Busposo y Cusipag, alyas MJ, 25 anyos, residente ng Asinga-Via, Baggao, Cagayan ay natuklasan ang kanyang bangkay na inilibing sa barangay Hacienda Intal.
Pinuntahan mismo ito ng mga sundalo, opisyal ng barangay at ang lola ni Busposo na nagpalaki sa kanya.

Aniya, kinumpirma ng kanyang lola na ang kanyang apo ang nahukay ng mga sundalo dahil sa kanyang damit at bracelet.
Ayon kay Maj. Dulawan, masakit ang loob ng lola at umiyak dahil sa sinapit ng kanyang apo.
Ayon kay Maj. Dulawan, narecruit si alyas MJ ng mga NPA at sumama sa kanila subalit sa kanyang pagsapi sa grupo ay napag-isip-isip niya na hindi siya dapat naroon kaya pinili niyang magbagong buhay ngunit ginantihan siya ng mga dati niyang kasama.
Kinuha siya at dinala sa kagubatan, sinaktan at pinatay na malinaw na paglabag sa karapatang pantao.
Ayon sa kanya, taong 2019 nang ilibing ang dating rebelde sa naturang lugar.
Sa ngayon ay may proseso nang isinasagawa ang pulisya at pagkatapos nito ay ipapasakamay na sa kanyang pamilya.
Ayon pa kay Maj. Dulawan, pang-apat na ito sa kanilang talaan na may inilibing na rebelde sa kanilang nasasakupan.
Kinabibilangan ito ng tatlo sa Cagayan at isa sa Isabela kabilang ang isang kumander.






