--Ads--

Kinuwestiyon ng Alkalde ng San Mateo, Isabela ang kalidad ng bigas na mula sa National Food Authority (NFA) gayong maayos naman ang binibili nilang palay mula sa mga magsasaka.

Inihayag ni Mayor Greg Pua sa naganap na pagdinig ng Committee of the whole sa Ramon, Isabela nitong Lunes, ika-11 ng Agosto na ang pinakamagandang bigas ay dapat matatagpuan sa NFA dahil puro class A ang binibili nilang palay.

Bago kasi bilhin ng NFA ang palay ng isang magsasaka ay sinusuri muna ang moisture content nito at kung pasado ay tsaka ito bibilhin.

Subalit sa kabila ng mahigpit na proseso ay ipinagtataka ni Pua kung bakit hindi nagiging maganda ang kalidad ng mga ito kapag na-mill na.  

--Ads--

Ipinunto nito na kung class A ang palay na naikamada, makalipas ang isang taon ay class A pa rin dapat ito.

Marami na aniya siyang pinasok na mga warehouses ng NFA-Isabela subalit iilan lamang ang nakitaan nito ng magandang kalidad na bigas.

Dahil dito ay hindi aniya maiiwasan na magsuspetiya ang taumbayan na baka pinapalitan ang mga palay na binibili sa mga magsasaka.