
CAUAYAN CITY – Ipinatupad ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang amelioration program para sa mga biktima ng bagyong Agaton sa Visayas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Kalihim Silvestre Bello III ng DOLE na ang programa ay pagbibigay ng ayuda sa mga mamamayan lalo na ang mga biktima ng kalamidad tulad ng bagyo, lindol at pagsabog ng bulkan.
Bukod dito ay binibigyan din ng DOLE ng tulong ang mga nawalan ng trabaho.
Ang mga biktima ng bagyong Agaton sa Visayas ay mabibigyan din ng tulong ng DOLE.
Ipatutupad ang pagbibigay ng trabaho sa loob ng 10 araw na may bayad para malinis ang mga kalat na dulot ng bagyo.
Tiniyak ni Kalihim Bello na makakarating ang tulong sa mga biktima ng bagyo sa pamamagitan ng kanilang mga field offices.
Kapag may kalamidad aniya ay handa ang mga provincial at regional offices ng DOLE sa pagtukoy sa mga mabibigyan ng tulong.
Ayon kay Kalihim Bello, may sapat na pondo ang DOLE dahil agad silang humihingi ng pondo sa Department of Budget and Management (DBM) kapag nagkakaroon ng kakulangan.




