
CAUAYAN CITY – Magre-realign ng pondo ang Department of Labor and Employment (DOLE) para matulungan ang mga manggagawa sa formal sector na nawalan ng trabaho matapos isailalim sa alert level 3 ang Metro Manila.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na mayroon na silang natanggap na report na 100,000 na ang mga nawalan ng trabaho mula sa mga hotel, restaurant, transportasyon at manufacturing sector.
Sinabi ni Kalihim Bello na hindi na pinondohan ng Kongreso ang COVID-19 Adjustment Measures Program (DOLE-CAMP) na pagbibigay ng one-time cash assistance na 5,000 sa mga nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 kaya magre-realign sila ng pondo mula sa DOLE-TUPAD.
Sinabi rin ni Kalihim Bello na bibigyan ng trabaho sa ilalim ng TUPAD Emergency Employment Program ang mga nasa non-formal sector na nawalan din ng trabaho.
Kabilang sa mga ibibigay na trabaho ang paglilinis sa paligid, public schools at public building para magkaroon sila ng trabaho.
May katumbas aniyang sahod ang kanilang pagtatrabaho sa loob ng 10 na araw.
Tiniyak ni Kalihim Bello na may sapat na pondo sa pagbibigay ng trabaho sa mga nawalan sa non-formal sector sa ilalim ng taunang DOLE-TUPAD.










