CAUAYAN CITY– Hinimok ni Secretary Fortunato Dela Peña ng Department of Science and Technology (DOST) ang lahat na suportahan ang mga Pinoy na imbentor sa bansa.
Sa kanyang pagsasalita sa pagbubukas ngayong araw ng 2017 National Inventors Week sa FLDy Coliseum, Cauayan City, binigyang-diin ng kalihim na ang mga Pinoy ay likas nang malikhain subalit nakukulangan siya sa pagtangkilik sa ating sariling produkto.
Ito ang paniniwala ng kalihim dahil mababa pa umano ang ranking ng Pilipinas pagdating sa global innovation index.
Sinabi ng kalihim na nanguna sa mahigit 100 bansa sa buong mundo ang bansang Switzerland pagdating sa imbensyon at innovation at ang Pilipinas ay nasa ika-73 pwesto.
Sa ngayon anya sa 10-point agenda ng administrasyong Duterte ay puntiryang pagtuunan ng pansin ang mga imbensyon na likha ng mga Pilipino.
Idinagdag pa niya na kailangang suportahan ang mga gawang Pinoy sa halip na tangkilikin ang mga imbensyon sa ibang bansa.
Ang 2017 National Inventors Week ay nagsimula ngayong araw at magtatapos sa Biyernes, ikadalawamput apat ng Nobeyembre,2017.




