Pinalalakas ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Vizcaya ang diwa ng bayanihan sa pagpapaunlad ng mga kalsada sa kabundukan sa pamamagitan ng community-led road programs na nagbibigay ng mas mabilis na access sa mga sakahan at pamilihan, habang pinapababa ang gastos sa imprastraktura.
Noong 2024, inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Vizcaya ang “Dalan ti Umili”, kung saan nagbibigay ang gobyerno ng semento at subsidiya sa krudo habang ang mga barangay at residente ang nag-aambag ng lakas-paggawa at lokal na materyales. Sa unang yugto nito, 65 kilometro ng one-lane farm-to-market roads ang naitayo sa mga upland barangay, na nagpadali sa pagdadala ng ani at serbisyo.
Ayon kay Provincial Agriculturist Absalom Baysa, layon ng programa na solusyunan ang access problems sa mga liblib na lugar sa mas mabilis at mas murang paraan. Dahil sa community approach, nakaiwas ang lalawigan sa tinatayang ₱650 milyong gastos kung idinaan sa tradisyunal na kontrata ang proyekto.
Sinabi naman ni Gobernador Jose Gambito na hindi lamang pagtitipid ang naidulot ng programa kundi muling pagbuhay sa diwa ng bayanihan at pakikiisa ng mga magsasaka sa kaunlaran. Kasabay nito, patuloy ring ipinatutupad ang “Kalsada ti Kabanbantayan”, na may 15 kilometro ng natapos na kalsada mula sa kabuuang 43 proyekto sa buong lalawigan.
Para sa pamahalaang panlalawigan, ang mga kalsada sa Nueva Vizcaya ay hindi lamang imprastraktura kundi patunay na ang tunay na pag-unlad ay nagmumula sa sama-samang pagkilos ng pamahalaan at mamamayan.










