--Ads--

Inihayag ng isang kongresista na sinunod ng Kamara ang due process sa pagtalakay ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, dahil binigyan umano ito ng sapat na pagkakataon upang maipahayag ang kanyang panig.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay BICOL-SARO Party-list Representative Terry Ridon, ipinaliwanag niya ang naging proseso ng House Committee on Justice kaugnay sa reklamo laban sa bise presidente.

Ayon kay Ridon, matapos mabigyan ng pagkakataon si Duterte na magsumite ng kanyang sagot o komento, bibigyan naman ng tatlong araw ang mga complainant upang magsumite ng kanilang reply. Susundan ito ng karagdagang tatlong araw para sa rejoinder ng bise presidente bago tuluyang magpasya ang komite sa susunod na hakbang ng proseso.

Gayunman, sinabi ng kongresista na sa kabila ng ibinigay na pagkakataon ng komite, hindi umano direktang sinagot ni Duterte ang mga alegasyon na nakapaloob sa impeachment complaint.

--Ads--

Iginiit din ni Ridon na ang mga isyung ibinabato laban sa bise presidente, kabilang ang umano’y mga pahayag laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez, ay nagmula mismo sa kanyang mga naging pahayag.

Dagdag pa niya, matagal na ring sinusuri ang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng bise presidente, gayundin ang paggamit ng confidential funds sa Department of Education (DepEd), kung saan siya ang namuno. Ayon sa kongresista, ang mga usaping ito ay bahagi ng mga batayang tinitingnan sa impeachment proceedings.

Binigyang-diin ni Ridon na hindi totoo ang alegasyon na hindi nabigyan ng due process ang bise presidente, dahil sapat at naaayon sa itinakdang panahon ang ibinigay ng House Committee on Justice para sa kanyang panig.

Kaugnay naman sa umano’y double standard at paghahambing ng impeachment case ni VP Sara Duterte sa isinampa kay Pangulong Marcos, sinabi ni Ridon na kulang-kulang umano ang mga ebidensyang inilatag ng mga complainant kumpara sa mas komprehensibong ebidensya na iniharap sa kaso ni Duterte.

Sa kasalukuyan, hinihintay ng publiko ang susunod na hakbang ng komite kaugnay sa pagresolba ng nasabing impeachment complaint.