--Ads--

Inatasan ng House Committee on Justice ang Securities and Exchange Commission (SEC) na magsumite ng mga opisyal na rekord ng mga kumpanyang may kaugnayan kay Vice President Sara Duterte at sa kanyang asawa na si Atty. Manases Carpio.

Batay sa inilabas na subpoena ng komite, pinatatawag din si SEC Chairperson Atty. Francis Edralin Lim upang dumalo sa nakatakdang pagdinig sa darating na Abril 14.

Bahagi ng utos ng Kamara ang pagbibigay ng mga certified true copies ng General Information Sheet at Audited Financial Statements ng mga korporasyong kinabibilangan ng Metro City Chow Foods Corp., Gencorp Industries Inc., Carpio Lawyers, 888 Bistro, CALE88 Foods Corp., Madayaw Fisheries Corp., Mati City Ice Plant and Cold Storage Inc., Amianan Shores Inc., Geometry Security and Investigation Agency Inc., at Cabletow 88 Shipping and Marine Services Inc.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng isinasagawang impeachment hearing ng komite upang mabatid kung may sapat na basehan o probable cause ang mga reklamong inihain laban sa Bise Presidente.

--Ads--

Layon ng imbestigasyon na matukoy kung nararapat bang iakyat ang kaso sa Senado para sa pormal na paglilitis.