--Ads--

Magsasagawa ng memorial service ang Kamara de Representantes para kay dating Speaker Jose de Venecia Jr. bukas, araw ng Lunes, Pebrero 16, sa plenary session hall simula alas-10 ng umaga.

Pangungunahan ni House Speaker Faustino Bojie Dy III ang seremonya kasama ang apat na dating Speaker bilang paggunita sa buhay at pamana ng lider na nagsilbi ng limang termino bilang pinuno ng Kamara.

Kabilang sa mga magbibigay-pugay sina dating Pangulo at dating Speaker Gloria Macapagal-Arroyo; dating Speakers Ferdinand Martin Romualdez, Manuel Villar Jr., at Feliciano Belmonte Jr.; mga Senador Loren Legarda, Win Gatchalian, at Juan Miguel Zubiri; dating DILG Secretary Mar Roxas; at dating Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr..

Makikibahagi rin sa pagbibigay-pugay ang ilang kasalukuyan at dating mambabatas, gayundin ang mga dayuhang panauhin. Tampok sa programa ang pag-aalay ng legislative memorabilia at isang video presentation na magpapakita ng mahahalagang yugto ng kanyang pampublikong serbisyo.

--Ads--

Magbibigay ng mensahe ang kanyang maybahay na si Pangasinan Rep. Ma. Georgina Vera Perez-de Venecia bilang kinatawan ng pamilya.

Noong nakaraang linggo, pinagtibay ng Kamara ang House Resolution 758 upang pormal na iparating ang pakikiramay nito sa pamilya De Venecia. Sa resolusyon, kinilala ang kanyang limang terminong panunungkulan bilang Speaker—sa ika-9, ika-10, ika-12, ika-13, at ika-14 na Kongreso—na siya lamang ang nakapagtala.

Tinukoy rin ang kanyang mahalagang papel sa pagbuo ng “Rainbow Coalition,” na sumuporta kay dating Pangulong Fidel Ramos sa pagpasa ng mga mahahalagang reporma.

Si De Venecia, na pumanaw noong Pebrero 10, 2026 sa edad na 89, ay nagsilbi sa Kamara sa loob ng pitong termino at kinilala bilang isa sa mga pangunahing arkitekto ng political consensus sa mababang kapulungan.