Iniulat ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na nakapasa na ang House of Representatives ng 17 sa 52 prayoridad na panukala ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) bago ang Lenten break.
Aniya, nagawa ng Kamara ang mga ito sa kabila ng global uncertainties, partikular ang tensyon sa Middle East na nagpataas sa presyo ng petrolyo.
Naipasa rin ng Kamara ang House Bill 8418 na nagbibigay kapangyarihan kay Ferdinand Marcos Jr. na suspendihin o ibaba ang excise tax sa mga produktong petrolyo kapag nagkaroon ng biglaang pagtaas sa presyo.
“Naipasa po natin ang HB 8418 upang mabigyan siya ng kapangyarihang bawasan o suspendihin ang excise tax sa langis kung kinakailangan, upang maregulate ang pagtaas ng presyo nito,” ani Dy.
Natapos din ng Kamara ang mga pangunahing reporma sa edukasyon, kabilang ang amyenda sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act at sa Presidential Merit Scholarship Program, na naglalayong palakasin ang suporta sa mga estudyante at pamumuhunan sa kinabukasan ng bansa.
Tinukoy din ni Dy ang pagpasa ng panukalang Digital Payments Act, na magpapabilis sa digitalization ng gobyerno, magpapaikli sa red tape, at magpapalakas sa transparency sa mga transaksyon sa gobyerno. Sinimulan na rin umanong talakayin sa plenaryo ang Anti-Political Dynasty bill.
“Ito po ay patunay na ang Kapulungan ay masigasig at masipag na nagtatrabaho. Sa inyong lahat—mga kasama, mga opisyal, at mga kawani ng ating Kongreso: maraming, maraming salamat po,” ani Dy.
“Ang mga tagumpay pong ito ay tagumpay nating lahat at tagumpay ng sambayanang Pilipino,” dagdag pa niya.
Magbabalik ang sesyon ng Kongreso sa Mayo 4, 2026.











