--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagtapos bilang Summa Cum Laude ang kambal na sina Mark Lander at Mark Lester Tallungan ng Saint Louis University sa Baguio City na tubong Masoc, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Kapwa DOST scholars ang magkapatid na malaki ang naitulong sa kanilang pag-aaral sa Baguio City.

Nagtapos ng BS in Psychology si Lander at BS in Civil Engineering ang nakatatandang si Lester.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kina Mark Lander at Mark Lester Tallungan, sinabi nila na ang target lamang nila ay makagraduate ng college ngunit nang kasalukuyan na silang nag-aaral ay napansin nilang kaya naman nilang maging summa cum laude.

--Ads--

Nagsilbi itong sibling goals ng magkapatid na kanila namang natupad.

Ayon kay Mark Lester hindi pa nailalabas ang resulta o listahan ng kanilang mga grades ay nacompute na nila ito at alam na nilang magtatapos silang cum laude ngunit hindi muna niya ito sinabi sa kanilang mga magulang.

Ayon sa kanila, hindi pangkaraniwang pangyayari ang isang kambal na parehong nagtapos sa kolehiyo na summa cum laude sa magkaibang kurso at napasaya rin nila ang kanilang mga magulang sa kanilang achievement.

Nakatulong umano sa kanilang pag-aaral na kilala nila ang isat-isa at alam nila ang kapabilidad ng bawat isa at kung ano ang nais nilang tahaking landas.

Paraan din nila ito upang magbigay pasasalamat sa lahat ng mga sumusuporta sa kanila pangunahin na sa kanilang mga magulang.

Malaking adjustment naman sa kanilang pag-aaral ang transition mula online classes dahil sa Covid-19 patungo sa face to face clasess.

Ang maganda lamang sa kanilang magkapatid ay alam nilang balansehin ang kanilang pag-aaral at pagpapahinga upang hindi maapektuhan ang kanilang mental health.

Sa kanyang pagtatapos, sinabi ni Mark Lander na may offer na sa kanyang teaching position.

Kaugnay nito, nasungkit din ni Mark Lander ang pagiging Top 4 sa katatapos na Psychometrician Board Examination at may nag-oofer na rin sa kanya ng oportunidad ngunit hindi muna niya tinanggap dahil kailangan niyang magpokus sa law school.

Kasalukuyan namang nagrereview si Mark Lester para sa engineering board exam nito kaya wala muna siyang ibang pinagkakaabalahan.

Payo ng kambal sa mga mag-aaral, hanapin ang strengths at weaknesses upang alam ang mga kayang gawin at pag-igihang abutin ang pipiliing goal sa buhay sa pamamagitan ng tiyaga at determinasyon.

Mabuting makihalubilo sa mga taong may kaparehong goals sa buhay tulad ng ginawa nilang magkapatid na kapag nag-aaral ang isa ay namomotivate ang isa na mag-aral din ng mabuti at makapag-excel sa sarili nilang field o kurso.