--Ads--

Matagumpay na naisakatuparan ng mga awtoridad ang serye ng operasyon laban sa kriminalidad sa rehiyon.

Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP), anim sa mga Most Wanted Persons ang naaresto, kasama ang 80 iba pang Wanted Persons sa magkakahiwalay na operasyon sa iba’t ibang lalawigan ng Lambak Cagayan.

Sa pinaigting na kampanya kontra iligal na droga, isinagawa ang 12 operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng 20 suspek. Nakumpiska rin ang 39 gramo ng shabu at 530 gramo ng marijuana.

Samantala, 18 katao ang naaresto sa mga operasyon laban sa iligal na sugal. Dalawa naman ang nahuli dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, kung saan dalawang baril ang nakumpiska. Bukod dito, narekober din ng kapulisan ang 33 iba’t ibang uri ng baril at apat na pampasabog.

--Ads--

Sa kampanya laban sa illegal logging, nakumpiska ang 4,030 board feet ng iligal na troso na tinatayang nagkakahalaga ng ₱400,000. Anim na indibidwal ang naaresto kaugnay nito.

Patuloy rin ang tagumpay ng Police Regional Office 2 (PRO2) sa kampanya laban sa insurhensiya. Limang dating kasapi ng Communist Terrorist Group (CTG), tatlong miyembro ng NPA sa baryo, at 17 na tagasuporta ang boluntaryong sumuko sa pamahalaan.