--Ads--

Humihiling ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) na payagan silang magsumite ng tugon sa mga argumento ng prosekusyon hinggil sa hamon sa hurisdiksiyon ng korte.

Matatandaan na ang depensa ay dati nang umapela upang baligtarin ang desisyon ng Pre-Trial Chamber I (PTC I) na nagpatibay sa hurisdiksiyon ng ICC sa kaso ni Duterte.

Sa anim-na-pahinang dokumento na may petsang Disyembre 9, sinabi ng depensa pahintulotan na makapagsumite ng tugon sa sagot ng Prosekusyon kaugnay ng appellate challenge sa desisyon ng Pre-Trial Chamber sa hurisdiksiyon.

Binanggit ng depensa na pinapayagan ang mga partido na tumugon kung may mga bagong isyung hindi inaasahan sa orihinal na pagsusumite.

--Ads--

Inakusahan rin ng depensa ang prosekusyon na gumagamit ng Regulation 28 upang ibalik ang maling interpretasyon ng Article 12(2) at Article 13(c) ng Rome Statute.

Iginiit pa ng depensa na ang hakbang ng prosekusyon ay isang bagong kahilingan na dapat magbigay ng awtomatikong karapatan sa kanila na makapagsumite ng tugon.

Kung matatandaan ipinahayag ng Pilipinas ang intensyon na umalis sa ICC noong Marso 2018. Pormal itong naging epektibo noong Marso 2019. Gayunman, nagsimula na ang preliminary examination sa kaso ni Duterte noong Pebrero 2018.

Kaugnay nito may nakabinbing apela din ang depensa upang baligtarin ang desisyon ng Pre-Trial Chamber na kinikilala ang hurisdiksiyon ng ICC sa mga kasong crimes against humanity laban kay Duterte.

Humiling din ang depensa na ipagpaliban ang lahat ng paglilitis dahil sa umano’y paghina ng kakayahang kognitibo ng dating pangulo.

Una na ring tinanggihan ng Appeals Chamber ang aplikasyon ni Duterte para sa pansamantalang paglaya noong nakaraang buwan.