CAUAYAN CITY – Mahaharap sa administrative fine ang sinumang kandidato na mabibigong makapaghain ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) sa ginanap na halalan sa bansa noong ika-13 ng Mayo 2019.
Ngayong araw ang deadline na itinakda ng Commission on Elections (Comelec) sa paghahain ng SOCE ng lahat ng mga natalo at nanalong kandidato noong midterm elections.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Asst. Regional Director Jerby Cortez ng Comelec region 2 na pangunahing layunin ng paghahain ng SOCE ng lahat ng mga kandidato ay para malaman kung magkano ang kanilang nagastos.
Hindi dapat lumampas sa limang piso bawat botante ang kabuuan nilang nagastos sa nakaraang halalan at dapat ang kanilang SOCE ay may mga kalakip na resibo.
Ayon kay Atty. Cortez, layunin ng pagtatakda ng limit sa gastusin ng bawat kandidato na kahit mahirap ay puwedeng kumandidato at hindi lang ang mga may pera.
Nakasaad aniya sa bagong batas na ang kandidato na dalawang beses na hindi nakapaghain ng SOCE ay mapapatawan ng multa at hindi na maaaring kumandidato.