--Ads--

CAUAYAN CITY – Labis na nag-aalala ang pamilya ng isang kasapi ng 86th Infantry Batallion Phil. Army na nawawala mahigit isang buwan na ang nakakalipas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Julio Salingbay nakakatandang kapatid ng nawawalang si Sgt. Ruben Salingbay, 39 anyos, may asawa residente ng Camalug, Pinukpuk, Kalinga na nawala ang kanyang nakababatang kapatid ay nagpaalam pa umano sa kanyang mga barkada na dadaan muna siya sa San Manuel Police Station sa Isabela dahil sa ipinapatawag umano siya doon.

Nanawagan sa pamamagaitan ng Bombo Radyo Cauayan ang asawa ni Sgt. Ruben Salingbay na si Rowena Salingbay na kung nasaan man ang mister ay makipag-ugnayan sa kanila o kaya’y kung sinuman ang nakakaalam sa kinaroroonan ng mister ay makipag-ugnayan lamang sa kanila.

Samantala, itinanggi naman ni P/ Sr. Insp. Rey Lopez hepe ng San Manuel Police Station na kilala niya si Sgt. Ruben Salingbay at lalong hindi niya ipinatawag sa kanilang himpilan.

--Ads--

Gayunpaman ay nagsagawa pa rin ng pagsisiyasat ang San Manuel Police Station at dito napag alaman na magtutungo umano sana si Sgt. Salingbay sa Brgy. Sta Cruz upang makilamay sa isa niyang kakilala doon.

Sa panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag naman ni dating Punong Woodie Dolor ng Brgy ng Sta Cruz, San Manuel na nagtext sa kanya si Sgt. Salingbay na pupunta sa kanilang Brgy subalit magtutungo muna siya sa sa Santiago City upang kunin ang napanalunan sa sabong.

Patuloy ding nagsasagawa ng imbestigasyon ang pamunuan ng 86th Infantry Batallion kung saan kasapi si Sgt. Salingbay.

Sinabi pa si Ginang Rowena Salingbay na wala silang alam na nakaalitan ng mister at wala namang natanggap na pagbabanta sa buhay.