Inilunsad sa Santiago City ang Konsyumer Assistance Protection and Welfare Association (KAPWA) Project na layong palakasin ang kaalaman ng mga mamimili, partikular ang mga senior citizen at persons with disability (PWDs), hinggil sa kanilang mga karapatan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Epraim Abat, Vice President ng KAPWA, sinabi nito na ang kanilang organisasyon ay isang private partner ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pagpapatupad ng consumer protection programs sa rehiyon.
Ayon kay Abat, kinilala ang KAPWA bilang best partner ng DTI sa buong rehiyon, dahilan upang mapili ang kanilang panukalang proyekto na nakatuon sa senior citizens at PWDs.
Dagdag pa niya, pangunahing layunin ng proyekto na maipabatid sa nasabing sektor ang kanilang mga karapatan bilang mga mamimili, lalo na’t marami sa kanila ang hindi ganap na nakakaalam ng mga benepisyong maaari nilang matanggap.
Sa pamamagitan ng proyekto, inaasahang mas mapapalakas ang proteksyon sa mga konsyumer at matitiyak ang tamang pagtrato sa mga senior citizen at PWD sa iba’t ibang establisimyento.











