Inaprubahan ng Department of Education (DepEd) ang dagdag na ₱6,000 sa taunang salary subsidy para sa mga guro sa pribadong paaralan na saklaw ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) program.
Simula sa School Year 2025–2026, makakatanggap na ng ₱24,000 kada taon ang mga kwalipikadong guro sa ilalim ng Teachers’ Salary Subsidy (TSS), mula sa dating ₱18,000.
Ang dagdag na subsidy ay inaprubahan sa pamamagitan ng ad referendum ng State Assistance Council, ang ahensyang nangangasiwa sa GASTPE policy.
“Sa mga tumutok sa ika-apat na State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., malinaw na nakita natin—nasa rurok ng kanyang mga prayoridad ang edukasyon,” ani Angara.
Ang mga Kwalipikasyon para sa TSS ay mga lisensyado bilang guro, full-time na empleyado sa isang pribadong paaralan na kalahok sa GASTPE, may hawak na ESC classes ng hindi bababa sa 3 oras kada linggo
Layunin ng dagdag na subsidy na bawasan ang agwat sa kompensasyon ng mga guro sa pampubliko at pribadong paaralan,kilalanin ang kontribusyon ng mga pribadong guro sa paghahatid ng batayang edukasyon, at isulong ang mga reporma sa edukasyon gaya ng digital tools, teacher welfare, at pagbawas sa administrative workload.
Nilinaw ni Sec. Angara na ang dagdag na subsidy ay isinama na sa panukalang badyet ng DepEd para sa taong 2026.










