Nagsimula na ang operasyon ng Philippine Airlines matapos ang matagumpay na pagsasagawa ng inaugural flights kahapon.
Dahil sa karagdagang airline sa Cauayan City Airport, mas maraming pasahero na ang kayang i-cater ng paliparan patungong Manila.
Ayon kay Ginang Ermilyn Camarao, kasama sa unang pasahero ng bagong airline, sinabi niya na makabubuti ang pagkakaroon ng karagdagang flight sa lalawigan.
Aniya, solusyon ito para matugunan ang dami ng mga pasahero na sumasakay ng eroplano patungong Manila at pauwi ng Isabela.
Umaasa rin siya na dahil sa pagkaragdag ng isa pang airline sa Cauayan City Airport ay bababa rin ang pamasahe.
Samantala, bukod sa matutugunan ng karagdagang airline ang bilang ng mananakay, susi rin ito para mas madaming turista ang bumisita sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Department of Tourism o DOT Region 2 Regional Director Dr. Troy Alexander Miano, malaking bagay ang pagdaragdag ng airline sa rehiyon lalo na at ang connectivity ang susi sa isang maunlad na turismo.
Aniya, sa ganitong paraan ay mas maraming turista ang makakabisita sa Rehiyon na magreresulta ng mas mataas na bilang ng mga turista.
Binigyang diin din nito na malaking bagay din ito para sa paglago ng ekonomiya sa rehiyon.