--Ads--

CAUAYAN CITY – Masusing pinag-aaralan ng pamahalaang Lunsod ng Cauayan ang pagkakaroon ng karagdagang biyahe ng mga eroplano patungo at palabas ng Cauayan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ni City Mayor Bernard Dy na kasunod ito ng kahilingan ng ilang mamamayan na dagdagan ang dalawang biyahe ng mga eroplano dito sa Cauayan City.

Ayon kay City Mayor Dy, ang naturang panukala ay kanyang pag-aaralan at makikipag-ugnayan siya sa isang kompanya ng eroplano na bumabiyahe rito.

Maganda aniya ang panukalang ito dahil hindi naman umano maikakaila na dinadayo na rin ng mga negosyante na nais mamuhunan ang Cauayan City.

--Ads--

Kung sakali umanong pumayag ang nasabing kompanya na magdagdag ng biyahe ay posibleng isasagawa ito sa gabi.

Batay sa umiiral na biyahe ng eroplano ay isa sa umaga at isa rin sa hapon kaya’t naisip ng City Mayor na gawin itong gabi.

Kinumpirma pa ni Mayor Dy na may nakalaan pondo para sa pagpapaganda pa ng Cauayan City Airport.

Isa sa plano rito ay paglalagay ng ilaw sa runway upang maging handa ang paliparan sakaling maaprubahan ang dagdag na biyahe ng eroplano.