--Ads--

Hinihiling ngayon ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) Region 2 sa pamahalaan ang karagdagang pondo para sa ahensya sa darating na budget deliberation. Gagamitin umano ito para sa pagkakaloob ng mga tulong gaya ng farm inputs at mechanization para sa mga magsasaka sa kabila ng mababang presyo ng palay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Rose Mary Aquino ng DA Region 2, sinabi niya na batid ng kagawaran na hindi pa rin sumasapat para sa mga magsasaka ang limitadong pondo ng DA na ginagamit sa pamamahagi ng mga farm inputs, lalo na sa harap ng tumataas na production cost.

Aniya, tuloy-tuloy naman ang ginagawa nilang mga hakbang upang mas mapaganda pa ang mga serbisyong ibinibigay na tutugon sa pangangailangan ng mga magsasaka.

Puntirya nila ngayon na maipaglaban sa darating na budget deliberation ang pagkakaroon ng karagdagang pondo o budget increase para sa sektor ng agrikultura.

--Ads--

Paglilinaw pa niya, kaugnay sa paulit-ulit na hinaing ng mga magsasaka sa mababang presyo ng palay, ilang beses na rin nilang ipinaliwanag na hindi kontrolado ng ahensya ang mga private traders.

Giit niya, bagama’t private traders ang mga ito, kailangan pa rin sila ng ahensya dahil hindi naman lahat ng ani ng mga magsasaka ay kayang bilhin ng gobyerno.

Umaasa na lamang sila na magkakaroon ng magandang resulta ang import ban na ipinatupad ngayong Setyembre para sa bentahan o presyo ng palay.