Nagsimula na ang Public Order and Safety Division (POSD) ng Cauayan City sa kanilang paghahanda para sa darating na Holy Week at kasabay na summer vacation, kung saan inaasahang dadami ang mga sasakyang dadaan o magtutungo sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na layunin ng paghahanda na mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko, tiyakin ang kaligtasan ng mga motorista at pedestrian, at mabawasan ang aksidente sa mga pangunahing kalsada at pampublikong lugar. Binanggit din niya ang paglalagay ng karagdagang tauhan at checkpoints sa mga critical areas upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Bukod sa traffic management, pagtutuunan din ng POSD ang kaligtasan sa ilog na sakop ng lungsod, dahil sa pagdami ng mga river picnics at swimming activities tuwing summer.
Pinayuhan naman ni Mallillin ang publiko na maging maingat sa pagligo sa mga ilog at huwag pabayaan ang mga bata, dahil sa ilang insidente ng pagkalunod sa mga ilog sa mga nakaraang taon. Inirerekomenda rin ang paggamit ng life vests at mga designated swimming areas.
Kasama sa plano ng POSD ang information campaigns sa mga motorista, turista at koordinasyon sa barangay, at mabilis na pagtugon sa anumang emergency upang masiguro ang maayos at ligtas na pagdiriwang ng Holy Week at summer activities sa lungsod.











